TV5 employees nagpapasaklolo sa DOLE
MANILA, Philippines - Nagpapasaklolo sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang daan-daang empleyado ng TV5 na masisibak upang mapigilan ang pagtanggal sa kanila sa trabaho sa Nobyembre 15, 2018 bunsod ng pagsasapribado matapos na kunin ni Manuel V. Pangilinan ng TV5 ang 34 na porsiyentong sapi sa Kapatid network.
Sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan, hiniling ni Enrico Latina Jr., presidente ng ABC 5 Employees Unions at secretary general ng National Alliance of Broadcasters Union o NABU, na magpalabas ng status quo order ang DOLE National Conciliation and Mediation Board (NCMB) upang maharang ang retrenchment sa 700 kawani ng TV5.
Aniya, hindi dapat payagan ng DOLE ang management na ipatupad ang retrenchment hanggang walang nabubuong agreement.
“Dapat staus quo muna lahat wala munang tatanggalin hanggang walang agreement, tutal may mga willing namang umalis,” sabi ni Latina kasabay ang pahayag na ang CBA ng TV5 ay ginawa na ring model ng ibang TV network.
Iginiit ni Latina na hindi patas ang nasabing kautusan lalo pa at may umiiral na Collective Bargaining Agreement o CBA sa pagitan ng network at ng mga manggagawa.
Alinsunod aniya sa nabanggit na CBA, sinuman ang mag-take over sa TV5 ay dapat manatili ang kasunduan sa pagitan ng mga kawani at ng sinumang management.
Illegal din aniya ang hakbang dahil hindi retrenchment ang magaganap kundi lockout lalo pa at nagtakda ng hanggang akinse ng Nobyembre 2018 para sila ay tanggalan ng hanapbuhay.
“Ang nakakalungkot magpa-Pasko pa naman pagkatapos ay tatanggalan sila ng trabaho,” sabi ni Latina.
Comments
Post a Comment